Flavors of PSAU: Mga Pagkaing Swak na Swak!


Sa pagbisita sa isang lugar, hindi lang magagandang tanawin, o ang mga taong iyong makikilala ang tumatatak sa iyo. Nag iiwan rin ng kakaibang ala-ala ang bawat amoy, at lasa ng kanilang mga pagkain.


Dito sa Pampanga State Agricultural University (PSAU) paboritong tambayan ng mga mag-aaral ang mga food stall sa loob ng unibersidad kung saan tampok ang samu’t saring mga putahe na nakahilera sa daan. Narito ang ilan sa mga pagkaing patok sa panlasa at swak na swak sa ating mga bulsa.

Pagkain: Siomai-Java rice

Presyo: 40 pesos

Lokasyon: Flora’s Store (College of Arts and Sciences)

Sa panahon ngayon, paano mo mauubos ang iyong kwarenta pesos?

Sagot ko na ang pagkaing kahit banyaga man ang pinagmulan, sa ngayon ay bet na bet na ng ating mga puso at tiyan. Isa itong streetfood na mabibili mo sa iba't ibang hanay. Pero sa PSAU, maari mo na itong gawing ulam na pang bahay. Ano pa nga ba ang iyong hinihintay? Oh my, SIOMAI! Mula alas siyete ng umaga, mga taong hindi magkamayaw sa pila ang dadatnan mo sa eksena dito sa tindahan ni Ate Flora.

Ang Siomai-Java rice na tinda rito ay ang pagkaing ilang taon nang bumubusog sa mga tao sa PSAU. Sa halagang 40 pesos meron ka nang Java rice at limang pirasong siomai. Ang panalong combo na ito ang dahilan kung bakit patuloy binabalikbalikan ang kanilang tindahan, dahil sa bawat kagat ng siomai na ito, ramdam mo ang lasang papawi sa pagod mo, ang mainit na kaning dilaw naman ang magbibigay lakas sa iyong nanlalambot na katawan at magbibigay rin ng sustansyang kailangan mo para mabuhay.

Pagkain: Shawarma Rice

Presyo: 50 pesos

Lokasyon: Motee’s Kitchenette (College of Arts and Sciences)

Kahit na nasa Pampanga lang tayo, lilipad tayo gamit ang ating mga panlasa papuntang ibang bansa. Talagang magugutom ka sa byaheng nakabubusog!

 Ang shawarma na pagkaing banyaga-may gulay, at may ground beef, bilang pangunahing sangkap, ngayon ay nilagyan na rin ng paboritong pagkain ng mga Pinoy, ang kanin. Bukod sa iba’t ibang sangkap ng pagkaing ito, hindi mo rin malilimutan ang abot kaya nitong presyo. 

Sa bawat pag nguya ay malalasahan ang umaapaw nitong lasa. May sauce pang kasama na nagbibigay ng krema dahil sa keso at mayo na tamang tama lamang sa ating mga panlasa. Idagdag mo pa ang kanin na kukumpleto sa pananghalian mo. 

Kaya para sa singkwenta pesos mo, itaya mo na yan sa shawarma rice na ito!

Pagkain: Fried Noodles

Presyo: 40pesos

Lokasyon: College of Arts and Sciences food stall/DVM side food stall

Hindi mawawala ang pansit sa handaang Pinoy, pero sa PSAU, hindi kailangan ng okasyon para matikman ito. Dahil ang mga tindahan dito, araw-araw itong niluluto upang ihain sa kumakalam na sikmura natin.

Isa sa mga paborito ng mga mamimili rito ay ang “Fried Noodles”. Madalas nagsisiksikan ang mga estudyante pati na ang ilang mga guro ng pamantasan dahil ang pagkaing ito ay nag-uumapaw ang sahog. Sa dami ng toppings, halos hindi mo na maaninag ang mismong pansit nito, may nakapatong ding toge at inihahain ng may malilinamnam na pampalasa.

Ang pagkaing ito ang ilang taon nang nagbibigay ligaya sa tiyan ng bawat isa. Dahil sa panalong lasa, hindi ka lang pakakainin ng isang serving nila, paniguradong uulit-ulitin mo rin ang pagbili dahil garantisadong masarap na, at mura pa.

Pagkain: Chicken Pastil

Presyo: 35 pesos

Lokasyon: Tito Bap & Tita Dar Food Stall (College of Arts and Sciences)

Talaga namang mapapakanin ka! Dahil sa anghang at sarap.

Maniniwala ka ba, na sa halagang trenta’y singko pesos mo, malayo na ang mararating pagdating sa pagkain? Dahil dito sa PSAU, ang 35 pesos mo ay katumbas ng kanin na may ginisang manok bilang kapares.

Ang pagkaing simple man kung titingnan pero two-in-one, pinipilahan ng mga estudyanteng gutom dahil nag-uumapaw ang kasarapan. Mabenta dahil pang masa, hindi ka lang nito bubusugin, pagpapawisan ka rin at tiyak na mapapangiwi ka dahil sa nagtatalong lasa ng putaheng manok at anghang mula sa pagkakaluto ng sili.  

Kaya saan ka pa? Mag chicken pastil ka na!

Pagkain: Turon

Presyo: 15 pesos

Lokasyon: CAS,UFC,AnScie

Napakasimple ng ating kaligayahan tuwing siyesta. Saba na may asukal at ibinalot sa wrapper ng lumpia, ipinirito, Turon! ‘yun na yon. Madalas itong ilako o itinda sa gilid ng kalsada pero sa loob ng PSAU, dinadagsa ang ang mga tindahang nagbebenta ng turon dahil sulit na sulit ang iyong kinse pesos. 

Aroma pa lang, tiyak na matatakam kana! Lalo pa kung natikman mo na ang lutong, at tamis ng sariwang saging. Idagdag pa ang kakaibang kiliti ng pinagsamang lasa ng bawat sahog nito na nag iiwan ng lasa sa ating mga ngipin at tumatatak naman sa mga dila natin.

Sa-Malamig

Presyo: 10, 15, 20 pesos

All PSAU Palamig Store

Nagugutom kaba? E paano kapag nauuhaw ka rin? Ito na ang panulak sa lahat ng pagkaing nakahiligan mo nang kainin. Sino ba namang hindi matatakam sa malamig at makulay na sa-malamig? Lalo na sa maalinsangang panahon na nagbibigay sa iyo ng init, pagod at lagkit. 

Dinudumog ng mga tao sa kumunidad ng PSAU ang mga tindahang nagbebenta ng inuming pampatanggal pagod sa mainit at nakakapagod na lakaran sa loob ng paaralan.

Bukod sa tubig at yelo, may iba’t ibang flavor pa ang mga ito tulad ng melon, buko, pandan, at red tea. Pero ang best seller sa lahat ng tindahan dito, ay ang “Iced Choco”.  Sa halagang hindi lalampas ng trenta pesos, maiibsan ang iyong uhaw!

Ika nga, "you are what you eat". Dahil mas makikilala mo daw ang isang tao base sa mga kinakain nito. Napatutunayan ito ng mga lugar na napupuntahan mo, tulad nalang sa PSAU. Kaya kung kakagat ka ng shawarma, susubo ng pastil o papapak ng siomai nila, tandaang hindi lamang ito mga pagkain, parte na rin ito ng pang araw-araw na pamumuhay sa loob ng pamantasan ng Pampanga State Agricultural University.


Comments

Popular posts from this blog

Kababaihan, ganito tayo Iginuhit ng Lipunan

Modernong Maria Clara; Liberalisadong Anyo ng mga Kababaihan

Puksain ang Barbarong Kasanayan