Puksain ang Barbarong Kasanayan
Gumimbal sa buong Pilipinas ang karumal-dumal
na pagkamatay ni John Matthew Salilig ng Adamson University noong Pebrero 18,
taong kasalukuyan dahil sa nakahihindik na hazing bilang welcoming rite sa Tau
Gamma Phi fraternity. Bunsod nito, muling umusbong ang takot at pangamba sa mga
estudyante, pati na rin ang usap-usapan ng ating mga kababayan patungkol sa kaso.
Ngunit hanggang kailan nga ba magiging handog na tupa ang mga mag-aaral sa
ganitong anyo ng barbarismo ngayong patuloy na pinahihintulutan ng pamahalaan
ang iba’t ibang fraternity sa mga kolehiyo at unibersidad ng bansa?
Maituturing na bahagi ng kulturang
Pinoy ang hazing na lihim na yumayakap sa karahasan. Sa dinami-rami na ng
naging biktima ng ganitong uri ng baluktot na kaugalian, ang hindi ko
maintindihan ay tila ba mahina parin ang pwersa laban dito. Dahil sa ganitong
isyu, maraming dahilan ang dapat isaalang-alang upang sa lalong madaling
panahon, tuluyan na itong matuldukan ng mga kinauukulan.
Naging isang malaking katatawanan
at dekorasyon lamang ang Republic Act No. 8049 o ang Anti-Hazing Law. Kung
tutuusin, marami sanang naisalbang buhay ang batas na ito pero paulit ulit na
nagiging siklo ang mga kaso ng pagkamatay ng mga mag-aaral dahil mapurol parin
ang pangil ng batas na siyang dapat kumakagat sa mga may sala.
Pangalawa, ang iniiwang impresyon
ng kaso ng mga namamatay sa hazing any dumudumi sa reputasyon hindi lamang sa
mga opisyan, maging sa paaralang maluwang at pabaya sa mga gawaing bumubuo ng
fraternities. Isang Mabuti at nararapat na desisyon na sipain agad sa puwesto
ang mga nakaupo sa posisyon kung mapapatunayang nabigo itong masugpo ang hazing
sa paaralan. Sa aking obserbasyon ay kulang pa na makitang masibak sila sa
puwesto, tuluyan na silang patalsikin sa paglilingkod nang sa gayon, hindi na
makahawa pa.
Ilang buhay na ba ang winakasan ng hazing?
Tulad ng nakaayon sa isang
kasabihan na hindi ibig sabihin na marami ang pumapanig sa isang ideya ay
nagiging tama na ito. Maraming bagay na kamalian na nagawa natin sa nakaraan na
siyang nagdulot sa atin ng kahihiyan, pagsisisi, takot, at bangungot. Panahon
na upang basagin ang machong kaugalian na nagdudulot ng kamatayan.
Hindi katapangan ang ibinubunga ng
mga tadyak, suntok, at pamamahiya. Kalokohan na dapat ipagpatuloy ang isang
tradisyon kung may karapatang pantao ang nayuyurakan nito. Ang nag-iisang bagay
na hinuhubog ng hazing sa karakter ng isang tao ay matutong alipustahin ang
iba. Marapat na hasain pa natin ang batas ng mas matalim sa kaninoman ng sa
ganyon ay maisadlak sa dapat paglagyan ang dapat managot. Kung hindi mapupuksa
ang hazing sa paaralan at sa buong sambayanan, patuloy na ang barbarong aspeto
nito ang paniniwalaan bilang huwad na kapangyarihan.
Comments
Post a Comment